http://www.one.org





Saturday, November 25, 2006

Hang...over

Kapag sineswerte ka nga naman.

Nakakatuwa ang kauna-unahan naming karanasan sa CAMP Talent Show na ginanap sa Girl Scouts of the Philippines HQ diyan sa Faura. Simulan na natin ang istorya ng isang napakahabang araw sa buhay ng mga myembro ng BS-OT Block 20.

Hindi ako nagising nang maaga. Mabuti na lamang at kahit 7:30 na ako nagising ay wala kaming klase sa History 2, sapagkat pinayagan kami ng aming propesor na mag-ensayo para sa nalalapit na talent show. Mabuti na rin at hindi ako umuwi ng aming tahanan, at sa dormitoryo lamang natulog, kaya nakarating ako sa CAS ng 8:20 sa kakamadali.

Nagpalit na kami ng damit. Matapos mag-ensayo sa kahuli-hulihang pagkakataon, kinailangan na naming magbihis bilang paghahanda sa presentasyon namin. Ilang damit din ang aming sinubukan bago makapag-desisyon sa aming susuotin. Mahirap pala maging babae. Hindi muna kami nagmake-up sa kadahilanang ayaw naming maglakad sa Faura ng ganoon ang aming hitsura. Sinuot muna namin ni Ian ang aming mga T-shirt at pantalon habang papuntang GSP, sa ilalim ay ang aming mga karumal-dumal na mga costume.

Nagmistula kaming mga alalay. Lahat ng mga wardrobe ay sa aming mga lalaki ng block ipinadala. Puro kasi sila babae, at mahirap naman kung mapapagod sila. Nagpaka-maginoo na lamang kami at dinala ang kanilang mabibigat na mga gamit at ang mga props na gagamitin namin sa pagtatanghal. Hay, ang bait talaga naming mga lalaki sa block, hahaha.

Umulan. Tila pati ang kalikasan ay naiyak na sa awa para sa aming mga hitsura. Umambon habang papunta kami sa GSP, habang dala dala namin ang mga kagamitan, at hawak ang isang payong sa kabilang kamay. Mainit naman pagkatapos, kaya naisipan naming hubarin na ang aming mga T-shirt (mga lalaki lang, syempre) upang mahimasmasan ang init na nararamdaman ng aming mga katawan, una dahil sa kaba, at dahil na rin sa init na dulot ng panahon.

Late na nagsimula ang palabas. Ang nakalagay sa ticket, dapat 1:00 PM ang simula nito, ngunit dahil Pilipino tayo, 2:30 PM na ito na-umpisahan. Bago umupo sa kanya kanyang mga upuan, nilagay na ang mga make-up namin ni Ian, at nagdasal pagkatapos. Siyempre, sa tagal ng aming paghihintay, kumuha ang ilan sa amin ng mga litrato. At ngiti pa rin kami ng ngiti kahit hindi ko pa nakikita ang hitsura ko sa harap ng salamin. Bumili na rin muna kami ng C2 at V-Cut sa coop sa labas, bilang pamatid uhaw at gutom.

Palakpakan, hiyawan, tawanan. Bukod sa mga mismong kasali ng show na ito, mayroong dalawang intermission number na inihain sa aming ng mga propesor at faculty ng aming kolehiyo, ang CAMP. Pamilyar ang mga mukhang nakita namin doon, lalo na si Sir Mitch, guro namin sa NSTP. Tawa lang kami ng tawa, wala sa loob na kakanta pa kami mamaya sa aming pagtatanghal. Lalo pang lumakas ang tawanan noong nagmistulang mga danseur ang mga kalalakihan ng CAMP. Hindi ko alam kung mayroon pa silang mukhang ihaharap sa amin sa susunod naming mga pagkikita. Salamat sa kanila at nawala ang aking kaba. Dahil sa kanila, hindi na kami magmumukhang kahiya-hiya nina Ian, Lemuel at Chamie sa harap ng mga manonood namin.

Huli kaming magtatanghal. Lalo lamang kaming kinakabahan dahil habang pinapanood namin ang mga naunang nagtanghal sa amin, nalula kami at lalong natakot, habang palapit ng palapit ang oras namin upang magtanghal sa harap ng mga kaibigan, at kaklase sa ilang mga asignatura. Kamangha-mangha ang kanilang mga ipinamalas sa amin, naisip kong mistulang mga baguhan pa lamang kami sa talent show na ito, at ang ilan sa kanila ay mga beterano na; pinaghandaan talaga nila ang palabas na ito. Samantalang para sa amin ay 'katuwaan' lamang ito.

Heto na. Kinailangan na naming pumunta sa backstage upang maghanda para sa aming pagtatanghal. Puro tawanan pa rin ang naririnig. Napakagaganda ng mga babae sa block namin lalo na ng mga oras na iyon. Hindi na ako magbabanggit ng mga pangalan sapagkat lahat sila ay kasali, at pahahabain lang nito ang aking dapat ilagay dito. Ngunit kahit maganda pa sila, hindi maikakaila na mas maganda kami ni Ian kesa sa kanila. Minsan pa lang ako nagcross dress sa buhay ko, at ito na yata ang pinaka-masaya. Noon lang namin nakita ang aming mga sarili, sapagkat may salamin doon, at inayos namin ang aming mga hitsura sa kahuli-hulihang pagkakataon. Salamat nga pala sa aking mga sponsor, sina Mia (orange at black na flip flops, green na palda, red na bag at white na headband) at Chia (pink na tube at pink rin na shades) para sa pagpapahiram sa akin ng mga gamit at damit pambabae. Bahala na kayong magmuni-muni kung ano ang hitsura ko nung mga oras na iyon.

Hindi ko na maipaliwanag ang ilang mga eksena noong kami'y nagtanghal na. Wala akong masyadong nakitang reaksyon ng mga manonood sapagkat kinailangan kong alisin ang aking salamin (eyeglasses) upang maging ganap na babae (bading) kami ni Ian. Ang masasabi ko lang ay ginawa lang namin ang aming makakaya noong oras na iyon. At proud kami roon. Manalo o matalo, nag-enjoy lang kami sa palabas.

Meron pa. Matapos banggitin ang mga nanalo (hindi kami kasali roon, tulad ng aking inaasahan) mayroon pang After Party na ginanap sa Abas diyan sa J. Nakpil St. sa Malate. Uminom kami at nagsayawan hanggang alas nueve ng gabi, di alintana ang ibang taong nakapalibot sa amin, pagkat sila'y taga-UP rin. Basta nag-enjoy na lang kami nung gabing iyon. Naka-usap namin ang ilang mga taga-CAMP, at nakarinig ng ilang papuri at katatawanan mula sa aming mga batchmate, lalo na sa pagganap naming bakla ni Ian.

Sabi nga ni Dan sa akin, "Makakapasok ka pa kaya sa MaSci?"

"EWAN KO."

Nakipagsapalaran, tila isang adventure ang aming ginawa noong araw na iyon. Natapos ang lahat sa KFC Padre Faura, sa pagbili ng pagkain, huling hirit ng mga tawanan, bago kami nagsipag-uwian. May NSTP pa ako mamaya, ngunit duda ako kung papasok pa si Sir Mitch, ngayong alam na namin ang kanyang lihim.

Bahala na lang kung makapal pa rin ang mukha ko upang magpakita sa CAMP.

*Edit: sandali lang ang NSTP namin kanina, mga 20 minutes. Siguro pati si Sir Mitch may hang-over din dun sa ginawa niya. XD

Labels: , , , ,

flight scheduled at 11:20:00 AM
|

THE PILOT


Yahoo Online Status Indicator
Arnel C. Uyaco Jr.
Sixteen Seventeen years old.
UP Manila Sophomore.
An alleged loverboy.
A pilot of my dreams.


TIME CHECK





THE LOGBOOK

















LATEST FLIGHTS












TICKET FARES




FULLY BOOKED

THE PASSENGERS



DESTINATIONS



CRASH-LANDINGS



THANK YOU FOR FLYING

Creator :
Blavered-INC

Image Hosts :
Photobucket, ImageShack

Header :
Billycoy Dacuycuy

Brushes :
DeviantART

Tagboard :
Cbox

BlogRoll :
BlogRolling

Clock :
ClockLink

Avatar :
Zwinky

Status Indicator :
Online Status

Comments & Trackback :
HaloScan

Reader Community :
MyBlogLog

Web Counter :
Free Web Logger

User Tracker :
Fast Online Users

Powered by :
Blogger Beta

Best Viewed :
1024 * 768